Pinoy Overseas

The Filipino Overseas Employment Resources. POEA Recruitment Agencies, Pinoy Overseas Employment, Job Orders, Jobs Abroad and Guidelines.

Illegal Recruiter, Kalaboso!

Sentensiyado ng pagkakulong ng pito (7) hanggang sampung (10) taon si GLORIA R. GASPAR sa sala ng illegal recruitment, sang-ayon sa hatol noong ika-30 ng Marso, 2015, ni Judge Rusty Naya ng Regional Trial Court sa Pangasinan.

Si Gloria Gaspar ay nagsagawa ng illegal recruitment ni Jocelyn Estioco. Si Jocelyn ay naghanap ng trabaho bilang cook sa restaurant. Nagkakilala sina Gloria at Jocelyn sa Pangasinan, sa pamamagitan ng pinsan ni Gloria na si Nancy. Pinag-submit ng bio-data at passport si Jocelyn, at sinabing tumuloy sa Maynila para makausap si Juliet na “contact agent” ni Gloria.

Sa Maynila, siningil ni Juliet si Jocelyn ng P3,500 para sa medical examination, at sinamahan pa si Jocelyn sa medical exam. Pagbalik ni Jocelyn sa Pangasinan, binigyan ni Gloria si Jocelyn ng P20,000 na dapat na daw ibigay kay Juliet sa Maynila para pambili ng plane ticket papuntang Dubai.

Inabot ni Jocelyn ang P20,000 kay Juliet sa Maynila. Inayos ni Juliet ang lahat ng papeles ni Jocelyn para makaalis. Noong araw ng pag-alis ni Jocelyn tungo ng Dubai, may binigay na dalawang dokumento si Juliet. Yung isang dokumento ay “entry permit” sa Dubai. Patungkol sa ikalawang dokumento, sinabihan si Jocelyn na itago muna ito.

Nang buksan ni Jocelyn ang pangalawang dokumento sa Hongkong (stopover papuntang Dubai), nagulat na lamang siya nang makita niyang visa ito bilang domestic worker.

Sa Dubai airport ay sinundo siya ng employer ng anak ni Gloria na si Jaydee Ann. Dinala siya sa pinsan ng amo ni Jaydee Ann, at doon nagsimula ang kalbaryo ni Jocelyn. Sa loob ng higit sa isang taon, nagtrabaho siya ng 21 oras isang araw sa suweldo na 800 dirhams (mga 9,000 pesos) kada buwan, and pinakain lamang ng sunog na kanin at toyo.

Ang nangyari pala ay sinabihan ni Jaydee Ann ang nanay niya na si Gloria na magpadala ng domestic worker para sa pinsan ng kanyang (Jaydee Ann) employer.

Walang lisensya mula sa POEA sina Gloria at Jaydee Ann para mag-recruit para sa trabaho sa abroad.

Ang hatol ng korte: 7 to 10 years na pagkakulong, at multa sa halagang P300,000. Inutusan din korte si Gloria na bayaran si Jocelyn ng lahat ng ginastos niya kaugnay ng kanyang recruitment, at unpaid salaries sa halagang 16,800 dirhams (mga 200,000 pesos).

Ang nag-handle po ng kaso na ito para sa “People of the Philippines” ay magigiting na POEA prosecutors under the supervision ng Department of Justice.

“Maging matalino, huwag magpaloko!”

Pinoy Overseas © 2014 Frontier Theme