Pinoy Overseas

The Filipino Overseas Employment Resources. POEA Recruitment Agencies, Pinoy Overseas Employment, Job Orders, Jobs Abroad and Guidelines.

DALAWANG KASO, DALAWANG ILLEGAL RECRUITER SENTENSIYADO!

Magandang balita po sa larangan ng pagpapatupad ng batas kontra illegal recruitment. May dalawang illegal recruiter po na sentensiyado ng korte sa magkahiwalay na kaso.

Una, convicted ng Malabon RTC Branch 73 si Lourdes de Leon sa kriminal na kaso ng simple illegal recruitment. Si Lourdes de Leon ay “guilty beyond reasonable doubt” sa illegal recruitment ni Melanie Arollado. Inalok ni Lourdes de Leon si Melanie ng trabaho bilang hotel worker sa Bahrain, dahil sa kilala daw ni Lourdes ang isang Erica Al-Amro, na siya naman daw may contact sa Bahrain. Tumanggap si Lourdes ng P16,000 bilang placement fee at nagbigay pa ng orientation kuno kay Melanie. Sa huli, nadiskubre na wala namang lisensya si Lourdes de Leon na mag-recruit para sa trabaho sa abroad.

Ang sentensiya kay Lourdes de Leon ay 6 na taon hanggang 12 na taon na pagkakulong, at pagbayad ng multa sa halagang P200,000.00.

Ang POEA Prosecution Division ang naging Special Prosecutor na inatasan ng Department of Justice sa kaso na ito.
Pangalawa, convicted ng Manila RTC Branch 25 si Isidro Rodriguez ng simple illegal recruitment at estafa. Si Isidro Rodriguez ay “guilty beyond reasonable doubt” sa pag-recruit ng walang lisensya kay Armi Tobias bilang Special Education Teacher sa U.S.A. Pinagbayad si Armi ng USD 5,000 ni Isidro Rodriguez at ang kumpanya nito na World Goal Corporation. Napag-alaman na si Rodriguez o ang World Goal ay walang lisensya mag-recruit para sa trabaho sa abroad.

Ang sentensiya ni Rodriguez ay straight penalty ng 7 taon na pagkakulong at bayad ng multa ng P300,000 para sa kasong illegal recruitment; at 4 na taon hanggang 7 na taon na pagkakulong at bayad ng actual damages na P250,000 para sa kasong estafa.

Ang malungkot sa kaso ni Rodriguez ay hindi siya mahanap sa ngayon, dahil siya ay tumakas noong naka-piyansa. Pero napagpasiyahan ng PNP, NBI, POEA, DOJ, MIAA, BI at partners sa Presidential Task Force Against Illegal Recruitment (PTFAIR) at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) na si Isidro Rodriguez ay numero uno sa “order of battle” sa pagsugpo ng mga illegal recruiters. Kaya’t may nationwide manhunt ngayon dito kay Isidro Rodriguez. Ang balita ay nasa Pilipinas pa siya.

Kung may impormasyon tungkol sa tao na ito, paki-contact lamang ang POEA sa 722-1144/722-1155 o di kaya sa Facebook at Twitter accounts.

Pinoy Overseas © 2014 Frontier Theme